member, Human Development and Harmony Cluster, Pamayanang SanibLakas ng Pilipinas

 

 

 

 

 

 

 

 

 

ON-LINE LIBRARY

 

 09-01      ARTICLES IN PARADIGM       LIST OF ALL PARADIGMS

9


9. Reconstructive/Restor-ative Justice 

Critique of criminal justice systems that focus on penalizing perpetrators;

Advocacy of giving substantial/equal attention to the rehabilitation and restitution for the victims

Development of holistic and effective crime prevention systems.


THE 15 EMPOWERING PARADIGMS:

  1. Total Human Development and Harmony Through Synergism

  2. Holistic Health Care and Medicine

  3. Deep Ecology and Harmony with Nature 

  4. Sense of History and Sense of Mission

  5. Civics and Democratic Governance

  6. Culture as Community Creativity

  7. Light-Seeking and Light-Sharing Education

  8. Gender Sensitivity, Equality & Harmony

  9. Reconstructive/Restor-ative Justice

10. Associative Economics, Social Capital and Sustainable Development

11. Synergetic Leadership and Organizations

12. Appropriate/Adaptive Technology

13. Mutual Enrichment of Families and Friendships

14. Human Dignity and Human Harmony: Human Rights and Peace

15. Aesthetics Without Boundaries: 'Art from the Heart'   


.

Unawaan: Ang Ugnayang Pang-katarungan sa Loob ng Pamayanan (Community Based Justice System)

By Jose Eduardo D. Velasquez

Executive Director, Kamalaysayan

Excerpted from the first chapter of Unawaan: Ang Ugnayang Pangkatarungan sa Loob ng Pamayanan, 2005;  we are looking for a volunteer to translate this to English.)

"...Sa taong may hiya salita’y panunumpa..."

 --Kartilya ng Katipunan

LAHAT NG kataga at salita ay may kahulugan at nilalaman mula sa pinagdaanang paggamit ng isang pamayanan o lipunan. Ang mga ito ay tumutukoy sa pinag-iiralan ng unawa, ugnayan at kabuluhan na nanggagaling sa isang kalipunan ng mga kalagayan at karanasan. Makikita ang ganito sa bawat pagkakataon kung paano natin binibigyan ng kahalagahan ang pakikitungo sa bawat isa. Katunayan sa ating kagawian, katapat ng paggalang sa dangal ng bawat tao, ay ang inaasahang pagkakaroon niya ng isang salita.

Ito ay singkahulugan ng tiwala na nagmumula sa katotohanan at paninindigan o niloloob ng kanyang mga sinasabi. Ito rin ang buod kung paano siya kinikilala at nauunawaan ng ibang tao o di kaya kung paano siya bibigyan ng pagpapahalaga at paggalang sa kanyang pamayanan.

Kapag pinalalim, ang mga karanasan at kabuluhan na nakapaloob sa mga kataga at pananalita ay makikitang tumutukoy ito sa isang lipon ng mga saysay na nagmumula sa bawat tao at sa buong mamamayan ng isang pamayanan. Ito ang talagang sangkap ng buháy na pagkabuo ng ating pangkalahatang kabuluhan o ang kasaysayan natin.

Upang lubusang maunawaan ang ating mga sarili at ang kalagayan ng lipunan at pamayanang kinagisnan, kailangan nating hanguin at bawiin ang ating mga karanasan ng pagtuturingan na sinubok at hinubog ng libong taon ng buháy na ugnayan sa loob ng ating mga pamayanan. Kailangan nating makilala ang mahalaga at malaking bahagi ng mga ito sa usapin ng pagbibigay ng katarungan sa ating mga sarili, sa atin bilang mga mamamayan at sa kabuuan ng ating Inang Bayan.

Dito nanggagaling ang tunay na kapangyarihan natin bilang tao at mga mamamayan na sumilang sa Sangkapuluang ito. Dito natin maaring ilagay ang tuntungan ng malaking pangagailangan ng pagtutuwid ng ating mga pagtingin at pagpapahalaga sa ating mga sarili, kaalinsabay ng ating paghango ng ugnayan sa iisang kapali-liran at kalikasan.

Ang patuloy na pagsariwa ng mga karanasang ito ay malaking bahagi ng pagbibigay hugis hindi lamang sa usapin ng kung sino tayo, kundi kung ano rin ang mga pangarap, pamamaraan ng ugnayan, mga naisin at pinaka-banal na mga hangarin ng pinakadakilang mga mithiin natin. Dito maaring magsimula ang kaisahan sa pagpapatibay ng haligi ng ating mga paninindigan. At dito rin maaring makikilala ang talagang kaanyuan ng ating mga sarili sa loob ng patuloy na daloy ng libu-libong taóng paraan ng nabuong kaisahan na bumubukal sa ating mga pamayanan at sa ating pagbubuo ng bansa.

Maititindig ng mamamayan ang katarungang ito sa pamamagitan ng sama-samang paghango ng katayuan at karapatan (pag-pahalaga) sa kabuuan ng pinag-iiralang kabuluhan ng simulain nitong ating lipunan. Magmumula ito sa muling pagtaginting ng tunay na tinig mula sa paninindigan ng isang pamayanan ng mga tao, ang taumbayan. At malilinawan lamang ang tinig na ito kapag mag-mumula ang pagkilala sa isang liwanag ng diwa na nakapaloob sa kaanyuan ng ugnayan at kaisahan ng pamayanan at bayan.
 


Paraang Unawaan sa Pagbubuo ng Loob ng Pamayanan

Binubuo ang kaayusan ng pamayanan ayon sa diwa ng unawaan at kaisahan ng loob. Ito ang talagang pinagsisikapang marating sa pagaayos ng mga hidwaan o anumang sigalot at kaguluhan sa anupamang pakikitungo.

Sa ating kaugalian paulit-ulit ang paghihikayat hanggang magbalikan ng loob ang mga may alitan. Ibat-ibang paraan ang sinusubukan, ibat-ibang kalapit at kamag-anak ang kinakatulong; kabi-kabila ang pakiusapan at ibat-ibang pagkakataon ang ginagawang daan para lang magkasundo.

Nagiging kasangkapan ang pinagsamahan, nagiging mahalaga ang iisang pinagdaanang karanasan at pati ang iisang pinanggalingan o kinalakhang lugar. Kapagdaka, hihiling ng isang malalim na pang-unawa, 1 isang mahaba-habang pagtitimpi at kaunti pang pagtitiis.

Ganito rin ang ginagawa lalo na sa mga pakikitungo sa mga kapit-bahay, mga kakilala o mga kaibigan. Pakiramdaman ang malaking bahagi ng pakikipagugnayan dahil itinuturing na pinakamahalaga ang panatag na loob sa ugnayan ng mga tao sa isang pamayanan.

At, ang ganito ay nagtatakda ng napakataas na antas ng pagpapahalaga na handa nating ibigay sa bawat tao sa ating mga pamayanan.


Taróg

Ang mga pinagdaanang karanasan ng ating mga pamayanan ay nagbibigay-liwanag sa usapin ng Katarungan. Tarung o tarug1 ang kataga na pinagmulan ng paraang katarungan. Ibig sabihin nito ay pagtutuwid at unawa. At talagang ganito ang sinaunang katuturan ng katagang katuwiran2 bilang usapin ng pagkapantay-pantay ng mga tao. Samantala, ang dugsong na “ka” ay tumutukoy sa paraan ng kaisa sa unawa.

Ang Katarungan kung gayon ay isang angkop na paraan ng pagbibigay unawa o unawaan. Sa mga kamalian, kailangan ang unawa upang malinawan kung ano ang naging kahi-naan, ano ang naging pagkakamali, ano ang kasalanan o di kaya ang kalabisang naganap. Ito ang pag-alam ng dahilan ng bawat hidwaan, alitan at sigalot at kung paano itutuwid ang mga ito.

Sa iba pang pagkakataon, bilang paraan ng patas at panatag na pakikitungo, inaalam ang mga kanais-nais na ugali, mga kalakasan at hinuhuli ang kahinaan ng bawat isa. Ginagawa ang ganitong mga pagsaalang-alang kahit kaninuman bilang bahagi ng pagpapalagayan ng loob at upang matiyak na mainam at nasa tama ang pagtuturingan ng bawat tao at ng mga mamanayan.


Kaisahán

Ang paraang unawaan bilang katarungan ay isang ugnayan ng mga karanasan, mga damdamin at mga layunin3 ayon sa niloloob ng mga kabahagi nito. Umaangkop ito sa pangkabuuang kaparaanan (method) na tinatawag na kaisahán.

Ang Kaisahán sa pagbubuo ng mga pamayanan ay isang malayang paraan ng panlahatang pagkilala ng ugnay, o ng tagpuan ng pagkatulad ng pananaw, kalagayan at karanasan (unified experience). Ito ay isang paraan ng pagbubuklod lalo sa isang pamayanan. Maari itong humantong sa kaisahan ng layunin o di kaya sa nagkakaisang pagkilos.

Sa pinakapayak na kahulugán, ito ay maaring isang pagtanggap ng iisang pagkakilanlan (recognition of commonalities) halimbawa, kanayon, kabayan, kapatid, kalahi, kapitbahay atbp.

Ang paggamit ng pantíg na ‘ka,’ bilang dugsong ay nangagahulugan ng pagkaugnay, at ang katagang ‘isa’ naman ay may ibig sabihin na pagkabuklod ng pinagsamahan o kaya ng isang pinagdaanang karanasan. Halimbawa sa ating kasabihang naipapakita ang tindi ng kahalagahan nito kapag binanggit ang katagang ‘naisahan o napagkaisahan’. Wala nang ibang ibig sabihin ito kung hindi malamang isang minsanan ngunit, para sa karamihan ng buong madla, maari pa ngang mapait o kaya nakakahiyang karanasan ng pagkalinlang.

Samantala ang di ‘ka nag-iisa’ naman ay isang malakas na damdamin ng pakikibahagi sa isang karanasan. Sa harap ng bawat malaking kawalan kagaya ng isang nakalulunos na karanasan o napakadustang kinasapitan, kapighatian at pagka-api, naipapakita ng kaisahan ang isang napakataas na hangarin sa pagtutuwid ng kalagayan (Katuwiran). Itinitidig nito ang pagpapahalaga sa turingan at ugnayan na namamagitan sa mga tao at sa buong pamayanang kinapapalooban nila.

Kapag pinalawig, ating makikitang ang Kaisahan ay paraan ng panlahatan at tuwirang ugnayan o unawaan na walang hangganan, maliban sa karanasang nakaugat sa iisang kinalalagyan ng pamayanan. Kapag tiningnan kaugnay ng pagsisinop sa paggamit ng likas-yaman, kaakibat ng paglinang sa angking kakayanan ng mga mamamayan sa isang lugar, maari itong maituring na isang makapangyarihang paraan ng pakikipag-ugnay na magluluwal ng maraming pagkakataon at posibilidad upang isulong at higit na buklurin ang mataas na pagpapahalaga sa kalooban ng mamamayan ng isang pamayanan.

Mahusay itong napagsisilbi bilang tindigan (sa lenguwahe ng pulitika “power statement”) ng mamamayan, na pantapat sa anumang mapangibabaw (hegemony), makasarili at mapagharing paraan ng pakikitungo at pamumuno. Sa ganitong tuwirang paraan ng ka-pangyarihan na kinagawian at nakagisnan sa ating ugnayang panlipunan, maari nating ituntong ang mga pormal na pamamaraan at istruktura ng pagpapatakbo o pamamahala sa lipunan.
Kung ihahambing sa demokrasya, na isang paraan ng pagbubuo ng pagkakaisa na mayroong namamagitan at nakatakdang mga pormal na paraan at pamantayan ng pagdesisyon at pagkilos, may pagkakaiba itong paraang Kaisahan. Ipinakikita ng

Kaisahan, bilang isang lahatang-panig na unawaan o pakikipag-ugnayan, na nanggagaling ito sa malayang pagsang-ayon ng isang tao o ninuman sa kahit kanino pa man. Tinatangap nito ang pagkakaroon ng isang pagkakatulad ngunit namumukod-tanging paraan ng pamumuhay at mga pamantayan ng kaayusan sa bawat pamayanan. Sa ganitong masaklaw na katangian ng unawaan ay nalalagay ang paraang Kaisahan bilang isang tunay at mabisang batayan ng makatarungang ugnayan sa lipunan.

Ano ang ibig sabihin ng ganitong pagtingin sa kasalukuyang pamamalakad sa ating lipunan? Sa aktuwal na kalagayan,. dapat tingnan kung paano ang kinagawiang mga paraan ng unawaan sa kinikilalang kaisahan ng isang pamayanan, upang ilugar o iangkop ang pakinabang o paggamit ng mga pormal na pamamaraan sa sistema ng gubyerno o pamamahala sa lipunan. Halimbawa, sa sistema ng pamamahala, sa mga patakaran at programa, sa mga pormal na batas sa sistema ng katarungan, atbp.


Mga Bahagi ng Kaparaanang Kaisahan

Ilang mga mahalagang bahagi ng kaparaanang Kaisahan ang mga sumusunod:

i. Hiyang –Ito ay tumutukoy sa likas at angking kakayanan at mga pag-uugali na nakaugat sa isang kapaligiran at sa iisang kalikasan. (the commons-2) Kagaya ito ng nilalaman ng mga payo, mga paalala at mga pangaral. Kabilang dito ang mga kinagawiang turingan, asal at damdamin ng isang pamayanan tungkol sa pinakamataas na panalangin, pagnanais at pangarap nito. Makikita ito sa mga pagpapahalaga sa likod ng bawat panghihinayang o pagbanggit ng “sayang…” (longing for possibilities and great potentials).

Kasama nito ang usapin ng kaubrahan, bisa at epekto, sipag at tiyaga. Ito ang mga kalagayang naka-pagbibgay ng angkop at mainam na tugma sa ang-king kakayahan, nagbubunsod ng kasinupan at patuloy na nagluluwal ng bagong sigla, bagong ka-kayanan at katangian. — Kayat, bahagi din ito ng ka-halagahan at ugnayan sa pinagdaanan ng ating mga karanasan o ng kubling kasaysayan ng pagbubuo ng mga pamayanan at ng buong lipunan natin.

Natutuklasan at natututunan natin ang mga katuturan at kagawiang ito sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pakikipagkaisa sa ating mga kapwa-mamamayan. Nagiging bahagi ang bawat isa ng iisang buong mundo ng pakikipagkapwa na ibinahagi mula pa sa nakalipas at madudugtungan pa ito sa patuloy na pagbubuo ng mga bagong pang karanasan ng pakikipagkaisa (inter-generational unities). Sa maikling salita, ito ang isa nating kaparaanan ng pagsulong (development process).

ii. Kaloob(an) - kalipunan ng loob, ito naman ang pinag-iiralan at lundayan ng kaisahan. Mula sa simulain ng mga bahayan sa gilid ng pampang ng mga ilog o baybayin ng mga dagat hanggang naging bayan at bayan-bayanan, itong paraang kaisahan ang naghubog ng ating mga pamayanan.

Kaya’t itong loob ang pinaka-kabuuang mundo ng nilalaman nitong ating mga karanasan o ang laman ng pagkabuo ng ating saysay o kasaysayan. Ito ang pagmamagandang-loob, ang litáw na ibig sabihin kung paano tayo nakapangyayari o nagiging makapangyarihan bilang magkakapatid, magkakapit-bahay, magkakanayon, magkakababayan, bilang tao o taumbayan at mamamayan ng mga pamayanan na sumilang dito sa sangkapuluan.

iii. Batas - Atas at bata o pagbata, ito naman ang magkaugnay na diwa na pinag-ugatan ng katagang batas. Nangagahulugan ito ng mahigpit na pagtanggap at pagtalima sa mga napakahalagang tagubilin kalakip ang isang buong-loob na pagpapakasakit (self-sacrifice).

Maituturing na isa itong anyo ng pagpapalakas ng kapangyarihan ng sarili at ng pamayanan (Building the power of oneself through community). Malinaw na nagsisilbi itong paghubog o paghutok ng ugali sa simula pa lamang ng pagpapalaki sa mga bata sa isang pamayanan. Mga batayan, mga gawi at pamamaraan ito na hindi madaling baliin dahil kinalakhan, namana at kinikilala na ng buong pamayanan.

Kasama nito ang pagpapahalaga sa kapa-ligiran, sa bawat bahagi at sa bawat looban na bumubuo sa tinatahanan ng pamayanan. Ang usapin ng sala sa ganitong pagtingin ay ang pagsala ng nakabubuti sa hindi mainam na gawí. Kaya’t kapag sumala, ang ibig sabihin ay sumalungat sa kaayusan. Kapag tinularan at naulit ng iba isa na itong kasamaan o kasisiraan ng samahan at tinuturing na isang kasalanan. (social offense)


back to top                      post a comment


 

 

 

 

 

 

 

 

 

 






Created and

Maintained for

by our 'cyber arm':


TIMES VISITED:

715

 To open the lambat-liwanag  main site,  please click here.

LAMBAT-

LIWANAG 

Network for Empower-ing Paradigms

(formed in 2001)

is proud to be a founding member- organization of 

 formalized in its 1st General Assembly last November 15, 2008

click here for info.

For info on these fraternal  organizations

 of KAMALAYSAYAN within the family of

PAMAYANANG SANIBLAKAS,

click here

PAMAYANANG

SANIBLAKAS

MEMBER GROUPS:

Advocates of Cooperative Education on Synergism

Consumers & Communicators for Truthful Information

Galing-Pilipino Movement

Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan

Kaisari Movement for Gender Harmony

Kilusang Kartilya

Kilusang Lakas-Pamayanan

Lambat-Liwanag Net-  work for Empowering Paradigms

LightShare Digest (magazine)

LightShare e-Mail List Group

Living Learnings League

National Economic Protectionism Association

SanibDasal Synergetic InterfaithPraying Comm'ty

SanibLakas ng mga Aktibong Lingkod sa Inang Kalikasan

SanibSigla Movement for Holistic Health

Sanib-Sining Movement for Synaesthetics

SYCONE Humanity

Tambuli ng Dakilang Lahi (magasin)

 

 

 

 

Keep the Flame of Truth Alive in our Hearts!

 

 

FEEDBACK BOX:

   What are your comments and questions'

Your Name &Nickname:

(Answer Required)

Position: 

Organization, Office,

School or Barangay

or country of location

Answer Required)

Postal / E-mail Address(es)

(Answer Required

Personal or work 

background relevant to  the comment 

or inquiry:

  S E N D  -->
            

back to top.